Mahal Kong *****,
Ayoko sana sabihing "I told you so" pero nasabi ko na rin.
Ayoko sana sabihing "Pabayaan mo na lang siya at iwan" pero heto, naisulat ko na rin.
Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko dahil alam ko naman ang totoo. Hindi mo kasalanang magmahal. Sabi nga, "Hindi mo kailangang humingi ng tawad dahil gusto mo ang isang tao."
Hindi mo kasalanang ganyan ka, malaki man daw ang butas ng ilong mo o pangit ka man daw maglakad. Wala tayong magagawa diyan. (Una, wala tayong pambayad kay Vicky Belo. Pangalawa, matanda ka na masyado para turuang maglakad nang maayos kahit na sa totoo lang ay hindi ko maintindihan kung ano ang tinutukoy niyang pangit sa paglalakad mo. Siguro sa tagal nating naglakad nang magkasama, hindi ko na napansin yon dahil nakatuon ang isip ko sa pakikinig sa kuwento mo o di kaya'y sa nilalakaran natin. Naisip ko lang bigla na ang makakapansin lang naman talaga ng lakad mo ay ang taong nasa likod mo o di kaya'y ang taong nakatingin sa iyo sa malayo habang naglalakad ka. Tanungin mo ang mga kaibigang naglakad sa tabi mo at sigurado akong hindi rin nila napansin iyon, kung ano man yon.)
Wala rin tayong magagawa sa pananaw ng taong mahal mo at sa mga batayan niya para mahalin ang isang tao. Maaaring hindi rin natin siya masisisi dahil iyon ay resulta na ng mga naging karanasan niya sa buhay.
Hay! Paano nga ba mahalin ang isang taong mahirap mahalin? Sabi pa nga niya di ba mahirap ka rin mahalin? Siguro nga pero hindi naman masyado. Marami naman kaming nagmamahal sa iyo ah!
Masakit nga lang talaga yata magmahal kasi wala namang perpektong mamahalin (maliban siguro sa Diyos). Kung tutuusin, lahat tayo mahirap mahalin pero sapat bang dahilan ito para tumigil na tayo sa pagmamahal? Hindi naman di ba? Kung pipiliin nating mahalin ang isang tao, hindi ito mahirap. Naniniwala akong likas pa rin sa tao ang magmahal, hindi nga lang nang perpekto.