Hala Oktubre na! Ilang araw na lamang at Pasko na! Wala man lamang akong blog noong Setyembre. Heto at iisa pa lamang ang aking naitala para sa buwang ito.
Hay, naku! Pakiramdam ko, lagi na lang akong nauubusan ng panahon sa mga bagay na dapat kong gawin. Marami akong dapat isagawa pero hindi ko maisaayos ang mga ito upang marami akong matapos.
Bakit kaya ganoon? Bakit pa nga ba ako nagtatanong? Kilala ko naman ang sarili ko. Kung tutuusin kasi, hindi naman naiiba ang oras na mayroon ako at ang ibang taong maraming nagagawa sa araw-araw. Pareho rin naman kaming may 24 oras mula sa paglubog ng araw hanggang sa susunod nitong pagtatago. Talaga nga lang sigurong hindi ko pa natututunang gamitin ang bawat sandali ng aking buhay nang may pagplaplano, disiplina, at kasipagan.
Saan kaya makabibili ng disiplina at tiyaga? Mukha kasing maraming taong nangangailangan ng mga ito. Magbenta kaya ako? Nye! Paano ako mag-aalok sa iba ng mga bagay na wala rin naman ako.
Saan nga kaya ako dapat magsimula?