Kaytagal ko na ring hindi sumusulat dito.
Ngayon lamang muli, kung kailan napakabigat ng aking pakiramdam.
Maraming trabahong kailangang tapusin sa opisina at ang aking anak ay maysakit. Bukas, kailangan kong lumiban upang dalhin ang aking anak sa ospital upang doon magpagaling.
Kahapon, nakausap ko ang isa sa aking mga ninang. Napakaganda ng naging kuwentuhan namin. Naikuwento niya ang malaking paghihirap niya upang isilang ang kaisa-isa niyang anak, kung paanong kinailangan niyang manatiling nakahiga sa buong panahong nagdadalantao siya para lamang magtagumpay ang kanyang pagbubuntis.
Naranasan niyang manganak at mawalan ng anak sa pagitan lamang ng isang araw. Naranasan niya ring makunan. Gayon na lamang ang naging takot at pag-aaalala niya ng ipagbuntis niya ang magda-26 na taong gulang niyang anak.
Ang mga kuwento ng paghihirap na ito ay tunay na nagpapalakas sa aking kalooban, lalo na sa mga panahong tulad nito. Hindi ako natutuwa dahil mas mahirap ang dinanas ng ibang tao kaysa dinaranas ko ngayon. Hindi doon nagmumula ang aking katuwaan. Ito ay umuusbong sa aking pagkatutong sa likod ng karimlan ay nakangiti ang liwanag. Ang madidilim na bahagi ng ating mga araw ngayon ay nagiging maliwanag kapag atin nang nililingon pagdating natin sa hinaharap.
Ang tibay ng loob at lakas ng pananampalataya ng mga taong nauna nang nakaranas ng mga paghihirap at kagipitan ay nagbibigay-inspirasyon sa mga bubwit sa buhay na tulad ko na ngayon lamang haharap sa ganitong uri ng pakikibaka. Ngayon lamang ako papasok sa karimlan, subalit marami nang naunang dumaan dito. Lahat sila ay nauna na sa akin sa liwanag. At malaki ang pagpapasalamat kong nakilala ko na agad sila.
Purihin ang Ama ng Liwanag!
Monday, October 10, 2005
Subscribe to:
Posts (Atom)